|
Written by Manolito C. Sulit
|
|
Lagi kong maaalala ang aking ama bilang mahigpit at seryosong tao. Parati siya roon sa tabi ng malaking durungawan sa aming kusina, nakatanaw sa likod-bahay na laging mahamog at masukal. Nalililiman iyon ng mga puno ng kaymito, tsiko, abokado, at santol. May mga puno ng saging na tinabihan ng mga gabing malalaki ang hugis-pusong dahon at sari-saring halamang gulay at gamot. Sa dulo niyon ay ang labing na may ilog sa paanan, umaabot sa amin ang lagaslas, ang mga tinig ng naglalaba at ang kanilang mga palupalo, mga naliligo, at ang mga huni ng maya, uwak, lawin, kilyawan, at ibong-bahaw. Kapag wala sa lakuan, tahimik siya roong nakaupo. Makikilala mo siya sa maitim at kulot niyang buhok na walang katulad sa aming walong magkakapatid. Halos ay wala siyang kamukha sa amin, sa palagay ko. Pogi ang aking ama, lalo na sa mga lumang kuha ng kanyang kabataan. Sa tingin ko, mas mahaba kaysa sa kanya ang aking ina, lalo pa nga’t tumaba na siya. Kapag nakaupo siya roon, malamang may pinakukuluan siya sa abuhan. Siguro, isa na namang kakatwang putahe na natutuhan niya sa Bikol, Cebu, o sa kanyang mga kumpare, na karaniwa’y di ko talaga magustuhan, bukod sa ako’y sadyang pihikan. Minsan nama’y dahon ng bayabas o sambong lamang iyon, panggamot niya sa kanyang rayuma.
|